TOP

Philippine Embassy Consular Services Seminar

Sa unang pagkakataon ay nagkaroon ng seminar ukol sa pagpapaliwanag ng mga consular services mula sa Philippine Embassy noong July 15(Sunday). Ito ay proyekto ng HICE (Hamamatsu Foundation for International Communications and Exchange) sa pakikipagtulungan ng NPO Filipino Nagkaisa. Punong panauhin si Second Secretary and Consul Bryan Dexter Lao mula sa embahada sa Tokyo.

LAGDA

Ang lagda o pirma na madalas nating ginagawa ay kadalasan ding hindi gaanong nabibigyang-importansya. Madalas ay hindi na natin iniintndi ang kahalagahan nito at kung ano nga ba ang mga tamang gabay sa pagpirma. Ayon kay Consul, ang lagda ay isang natatanging pagsulat ng pangalan na siyang maaaring gawin lamang ng may akda. Ito ay sulat-kamay subalit maaari ring gawin sa pamamagitan ng pantatak (tulad ng hanko dito sa Japan). Ang marka, guhit o palatandaan na lagda ay tumutukoy sa iisang may akda at nagpapatunay ng pagsang-ayon sa kalakip na dokumento ng lagda. Nagpapatunay ito na ang taong sumang-ayon sa kasulatan ay siyang tamang tao na pinangalanan sa dokumento. Ito ang tinatawag na pagbibigay ng “informed consent” o “maalam na pagpirma”.

Dito napag-alaman na lihis sa karaniwang kaalaman na ang pirma ay nararapat na sulat ng pangalan ng may akda, ang pirma ay maaaring hindi ang eksaktong pangalan natin. Hindi kinakailangang nababasa o naiintindihan ito ng  iba.  Maaaring  ito  ang pagpapakahulugan o pagbibigay-simbolo natin sa ating sarili. Tayo rin ang magtatakda ng pamamaraan ng pagsulat nito. Kailangan lamang tandaan na nararapat na ang ating lagda ay pareho sa tuwina at hindi madaling magaya ng iba. Sa mga kababaihan na mag-aasawa, hindi kinakailangang magbago ang ating pirma ayon sa apelyido ng asawa. Ito ay naaayon sa ating sariling desisyon. Subalit kinakailangang iwasan ang madalas na pabagu-bago ng pirma upang maiwasan ang kuwestiyon sa ating katauhan.

NOTARYO

Ang notaryo mga dokumento na kinakailangan ng notaryo ay mga sinumpaang salaysay (affidavit), declaration o sworn statement, kasulatan ng kasunduan (contract) at kilos at gawa(acts and deeds). Maaaring magpanotaryo sa embahada o sa malapit na notary public sa kinaroroonan. Para sa mga naninirahan sa Hamamatsu, maaaring magpanotaryo sa “Hamamatsu Kousho Yakuba” sa 3rd flr Seimei Bldg., Motoshiro-cho sa kabilang bahagi ng munisipyo. Ang halaga ay 11,500 yen para sa mga dokumento sa English at 5,500 yen para sa mga dokumento sa Japanese. Kung ang Japanese na dokumento ay gagamitin sa Pilipinas, kinakailangang ipa-translate muna ito sa English/Tagalog bago isumite. Kung ang Japanese na dokumento ay ipapanotaryo sa embahada, kinakailangang ipatranslate muna ito sa English bago dalhin. Kinakailangan ding pirmahan ang dokumento sa harap ng witness at notaryo publiko. Para sa mga kontrata, kinakailangan ang tig-isang witness o higit pa sa bawat partido. Kinakailangang humarap mismo ang taong nakapangalan sa dokumento at hindi maaari ang representative lamang.

AWTENTIKASYON NG DOKUMENTO (Red Ribbon)

Kung ang dokumento ay gagamitin sa Pilipinas at kinakailangan ng awtentikasyon ng embahada, kinakailangang ipa-translate muna ito sa English at may selyo na ng notaryo publiko bago dalhin. Hindi na kinakailangan ng personal na pagharap ng aplikante. Maaaring ring ipadala na lamang ang dokumento sa pamamagitan ng liham.

REPORT OF BIRTH

Ito ay nagpapatunay ng pagkasilang ng isang bagong Filipino. Ito ang nagsisilbing pangunahing dokumento tungkol sa pagkatao ng isang bata. Ito rin ang patunay sa uganayan ng bata sa magulang at sa mga kadugo nito. Dapat nating tandaan na ito ay obligasyon ng magulang. Magagamit ito sa pag-aaral sa Pilipinas, pagpapatunay ng relasyon sa bata, at kasamang paglikas ng bata mula sa Japan sa panahon ng sakuna (tulad nang nagdaang malakas na lindol). Kinakailangang pumunta muna sa city hall para kumuha ng shussei shoumeisho (birth certificate);  ipanotaryo at ipa-translate; bago dalhin sa embahada.

Para sa “Report of Birth”, ang orihinal na dokumento na ibibigay ng embahada ay kinakailangang itago ng mga magulang. Ang embahada na ang magsusumite ng kopya sa NSO (Natinal Statistics Office sa Pilipinas). Maaaring ipakita ang dokumentong ito kung kinakailangan subalit hindi dapat isumite ito kahit pa sa immigration. Maaaring kumuha ng “CTC(Certified True Copy) at ito ang isumite kung kinakailangan.

PASAPORTE

Ito ang ating pangunahing pagkakakilanlan sa labas ng Pilipinas. Ito ay katunayan ng ating pagiging Filipino. Ito rin ang nagpapatunay ng ating legal na pangalan na naglalaman ng ating legal na lagda, kapanganakan at lugar ng kapanganakan.

Ang pasaporte ay pag-aari ng gobyerno at maaaring bawiin sa atin. Hindi ito dapat isanla o ipatago sa iba. Maaari itong i-renew bago pa man matapos ang hangganan ng araw ng validity nito. Dapat ding malaman na walang multa kapag hindi agad ito na-renew subalit maaaring matanong ng kadahilanan.

 

ANG ATING PANGALAN

Ang ating apelyido ay itinatakda lamang ng batas. Ang “given name” ay mula sa ating mga magulang. Sa “middle name” naman malalaman ang estado ng bata. Sa kadahilanang ito, kung ang bata ay illegitimate, makukuha niya ang apelyido ng bata at walang middle name sa pangalan nito. Hindi maaaring ibigay ng nanay ang sariling middle name sa bata. Kapag ginawa ito, magkakaroon ng pagkalito sa relasyon ng nanay sa anak, na maaaring isipin na magkapatid lamang.

Ang apelyidong maaaring gamitin ng babae kapag nagpakasal ay napapaloob sa Article 370 ng Civil Code. Hindi ipinipilit na gamitin ng babae ang apelyido ng asawa kapag nagpakasal. Kung piniling gamitin ng babae ang apelyido ng asawa, hindi na maaaring ibalik sa dati ang apelyido maliban na lamang kung anag asawa ay namatay na o ang kasal ay napawalang bisa. Kahit pa magdivorce ang mag-asawa, nasa sariling desisyon na babae kung nais ibalik ang apelyido sa dati o hindi.

Kung ang babae na gumagamit ng apelyido ng dating asawa ay mag-aasawa muli, kinakailangan nang baguhin nito ang apelyido at gamitin ang apelyido ng kasalukyang asawa.

KASAL AT PETITION FOR RECOGNITION OF FOREIGN DIVORCE

Ayon sa Article 15 ng Civil Code, kinakailangan nating sundin ang lahat ng batas ukol sa kasal ng Pilipinas kahit pa tayo ay nasa ibang bansa.

Maaaring magpakasal ang isang Filipino at dayuhan alinsunod sa batas na umiiral sa bansang kinaroroonan. Ang parehong Filipino naman ay maaaring magpakasal sa munisipyo o embahada ng Pilipinas sa bansang kinaroroonan. Kung magpapakasal sa munisipyo dito sa Japan, alamin muna ang mga requirements. Maaaring iba’t-iba ang requirements na hinihiling sa bawat munisipyo sa Japan. Humingi ng listahan ng mga requirements na maaaring ipakitang patunay kung may kailangang kunin sa embahada. Importanteng tandaan na bago magpakasal sa isang dayuhan, alamin ang magiging epekto nito hanggang sa hinaharap.

Para sa “Report of Marriage”, kinakailangang notaryado na ito kung ipapadala lamang ito at hindi makakapunta nang personal sa embahada.

Hanggang sa kasalukuyan, wala pang “Divorce” sa Pilipinas. Mayroon itong pagkakaiba sa “annullment” na tanging kinikilala sa Pilipinas. Para sa divorce, kinikilala na may kasal na ginanap at pinapagtibay lamang ang paghihiwalay ng mag-asawa. Taliwas ito sa annullment kung saan pinapawalang-bisa ang kasal na naganap na tulad nang walang anumang kasalan. Ang karaniwang ginagamit na dahilan para sa annullment ay ang “psychological incapacity”. Ang proseso ay karaniwang tumatagal at kinakailangan ng malaking halaga.

Sa “divorce”, mas madali ang proseso maliban na lamang kung may mga ari-arian na pinagtatalunan o usaping hindi mapagkasunduan. Kinikilala na may naganap na kasal at pinagtitibay lamang na naghiwalay na nang legal ang dating mag-asawa.

Ang “Petition for Recognition of  Foreign Divorce” ay maaaring gawin lamang sa Pilipinas. Hindi kinakailangang personal agad na iapela ito. Maaaring ipadala lamang ang mga kinakailangang dokumento at magtalaga ng representative. Kinakailangan ang Proof of marriage( Marriage Contract o Report of Marriage), Proof of Divorce (Kosekitohon), at Proof of Law on Divorce( na maaaring hingin sa Japanese Embassy). Pinapayuhang kumonsulta sa abugado ukol dito bago magsagawa ng hakbang.

Ang “Report of Divorce”  ay dokumentong ibinibigay noon ng embahada sa mga Filipina na nakipagdiborsyo mula sa dayuhang asawa. Ito ay itinigil na ng embahada. Sa kasalukuyan, kinakailangan na ang “court order” upang kilalanin ang “foreign divorce” at maitala sa civil registry.

“Wala nang “Report of Divorce” mula sa embahada; ang mayroon na lamang ay ang “Petition for Recognition of Foreign Divorce” na maaaring iapela sa Pilipinas.”

 

 

Labis na natuwa ang ating mga Kababayan sa kanilang natutunan sa seminar na ito. Marami ang naliwanagan. Labis din nilang ikinatuwa ang pagkakaroon ng oras para sa private consultation kay Consul Lao.  Nagkarooon ng pagkakataon ang mga Kababayan natin na may dinadalang mabigat na usapin na humingi nang payo nang pribado. Naging sulit ang isang araw na pakikinig ng mga nagsidalo at maraming hindi nakarating na nagnanais magkaroon muli ng seminar na tulad nito.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Comments are closed.